BreastScreen SA acknowledges the Traditional Custodians of Country throughout South Australia, and their continuing connection to land, waters and community. We pay our respect to all First Nations peoples, their cultures and to their Elders, past and present.

Skip to main content
Results
Your breast screen results are usually posted to you within 14 days. Please call us if you haven't received them within 28 days.
Call 13 20 50

Ano ang BreastScreen SA?

Nagbibigay ang BreastScreen SA ng mga libreng pag-screen sa suso o breast screen (X-ray para sa suso) kada 2 taon, pangunahin para sa mga babaing may edad na 50 hanggang 74.

Maaaring makita ng mga breast screen ang kanser sa suso sa maagang yugto nito, kadalasan bago maramdaman ang mga sintomas. Kung mas maagang matutuklasan ang kanser sa suso, mas madali itong magagamot.

Ang BreastScreen SA ay bahagi ng BreastScreen Australia, ang pambansang programa sa pag-screen ng kanser sa suso para sa mga babaing walang sintomas ng kanser sa suso. Kami ay nagbibigay ng mga serbisyo simula pa noong 1989.

Ang pagpapa-breast screen ay libre, at hindi mo kailangan ng pagsangguni ng doktor para makipag-appointment.

Alam ba ninyo na may libreng pagsusuri para sa kanser sa suso (breast screening)?

Ano ang pag-screen sa suso (breast screen)?

Ang breast screen ay isang screening mammogram (isang mababang dosis na X-ray ng suso), para sa mga babaing walang sintomas ng kanser sa suso, gaya ng bukol, pagtagas mula sa utong, o kakaibang pagbabago sa suso.

Kasama sa screening mammography ang pagkuha ng hindi bababa sa 2 larawan ng bawat suso - isa mula sa itaas at isa mula sa gilid. Ito ang kasalukuyang pinakaepektibong pagsusuri para sa hindi natukoy na kanser sa suso.

Kung ang isang babae ay may sintomas ng kanser sa suso, maaaring mangailangan siya ng diagnostic mammogram. Ang diagnostic mammogram ay ang pagkuha ng mas detalyadong mga larawan ng suso upang matasa ng mga doktor ang sintomas. Ang ilang mga kanser ay hindi makikita sa mammogram, kaya maaaring kailanganin ng iba pang mga detalyadong pagsusuri.

Ito ang dahilan kung bakit ang mga breast screen ay angkop lamang para sa mga babaing walang sintomas ng kanser sa suso.

Sino ang maaaring magpa-breast screen?

Iniimbitahan ng BreastScreen SA ang mga babaing may edad na 50 hanggang 74 na magpa-breast screen kada 2 taon. Iminumungkahi ng ebidensya na ang regular na pagpapa-breast screen ay pinakaepektibo sa grupo ng mga edad na ito.

Ang mga babaing may edad na 40 hanggang 49 at mahigit sa 75 taon ay maaari ring gumawa ng appointment para sa libreng breast screen, ngunit lubos na hinihikayat na makipag-usap sa kanilang doktor kapag nagpapasya kung ang pagpapa-breast screen ay tama para sa kanila.

Ang breast screening ay hindi epektibong pagsusuri para sa mga kababaihang wala pang 40 taong gulang. Bagama't maaaring magkaroon ng kanser sa suso sa anumang edad, ito ay mas madalas sa mga kababaihang wala pang 40 taong gulang.

Ang mga babaing may mabigat na family history ng kanser sa suso ay maaaring magpa-breast screen kada taon mula sa edad na 40 taon.

I-click dito para sa impormasyon tungkol sa screening para sa iba’t ibang mga grupo ng edad at para sa impormasyon tungkol sa pagkakaroon ng mabigat na kasaysayan sa pamilya ng kanser sa suso.

Tama ba ang BreastScreen SA para sa iyo?

Ang BreastScreen SA ay nagbibigay ng pag-screen sa suso para sa lahat ng marapat na kababaihan sa South Australia na may edad na mahigit sa 40. Gayunpaman, ang ilang kababaihan ay maaaring mangailangan ng ibang pangangalaga at mga serbisyo na hindi kasama sa pag-screen sa suso.

Kabilang dito ang mga kababaihan na:

  • may mga sintomas ng kanser sa suso (tulad ng bukol, pagtagas mula sa utong o pagbabago sa kanilang mga suso)
  • may mabigat na kasaysayan sa pamilya (family history) ng kanser sa suso at/o obaryo
  • nadiyagnos na may kanser sa suso sa loob ng nakaraang 5 taon
  • may limitadong ang paggalaw sa itaas na bahagi ng katawan o nahihirapang dalhin o suportahan ang sarili nilang timbang.

Makipag-usap sa iyong doktor o tawagan ang BreastScreen SA sa 13 20 50 upang matiyak na natatanggap mo ang pinakaangkop na pangangalaga at serbisyo para sa iyo.

Saan ako gagawa ng appointment para sa pagpapa-breast screen?

Ang BreastScreen SA ay may 8 nakapirming klinika sa Adelaide metropolitan area, at 3 mobile screening unit na bumibisita sa rural, remote o ilang, labas ng metropolitan at ilang metropolitan na lugar kada 2 taon.

I-click dito para makita ang mga lokasyon ng aming nakapirmi at gumagala na mga klinika (fixed and mobile clinics).

Ano ang mangyayari sa aking appointment?

Mangyaring dumating nang 10 minuto bago ang iyong appointment upang bigyan ang iyong sarili ng maraming oras para makumpleto ang iyong form ng pahintulot at makapagtanong. Huwag kalimutang dalhin ang iyong Medicare card.

Isa sa aming magiliw na receptionist ang titingin sa iyong buong pangalan, petsa ng kapanganakan at mga detalye ng address upang matiyak na tama ang mga ito at na sinusuri namin ang tamang tao.

Dadalhin ka ng isang espesyalistang babaing radiographer sa screening room at kakailanganin mong maghubad mula sa baywang pataas. Maaari mong ibalabal ang iyong blusa o sweater sa iyong balikat kung gusto mo, o may magagamit na mga disposable gown kapag hiniling.

Kapag handa ka na, ilalagay ng radiographer ang isang suso sa mammography machine. Mahigpit na didiinan ng makina ang iyong suso sa loob ng 10-15 segundo upang kunan ng larawan. Karaniwang kukunan ng 2 larawan ang bawat suso, isa mula sa itaas at isa mula sa gilid. Ang mga babaing mas malaki ang suso ay maaaring kunan ng karagdagang larawan upang matiyak na lahat ng tisyu ng suso ay makikita. Kapag nakunan na ng mga larawan, maaari ka nang magbihis at tapos na ang iyong appointment.

Ang iyong mga larawan ay hindi babasahin sa oras ng iyong appointment, titingnan ng radiographer na nagsagawa ng iyong mammogram ang iyong mga larawan para suriin ang teknikal na kalidad lamang.

Ang iyong mga larawan ay ipadadala sa aming State Coordination Unit sa Adelaide kung saan ang mga ito ay hiwalay na babasahin ng hindi bababa sa 2 espesyalistang radiologist.

Masakit ba ang magpa-breast screen?

Maraming kababaihan ang nag-aalala na baka masakit ang magpa-breast screen. Ang totoo, iba-iba ang bawat babae. Ang ilan ay nagsasabi na ito ay hindi komportable, ang ilan ay nagsasabi na ito ay medyo masakit, at ang iba pang mga kababaihan ay nagsasabi na ito ay ayos lang. Kung nakakaramdam ka ng kakulangan ng ginhawa dapat itong tumagal lamang ng ilang segundo. Ito ay dahil ang iyong mga suso ay kailangang diinan nang mabuti sa X-ray machine upang makakuha ng malinaw na larawan (kung sa tingin mo ay masyado itong masakit). Maaari mong ipatigil ang procedure sa anumang oras, mangyaring makipag-usap sa radiographer sa iyong appointment kung nag-aalala ka.

Mayroon bang mga panganib ng radiation?

Sa bawat pagkakaroon mo ng mammogram, nalalantad ka sa napakaliit na dosis ng radiation. Gumagamit ang aming mga mammography unit ng pinakamaliit na posibleng dosis ng radiation upang kumuha ng mataas na kalidad na larawan. Ang dosis ay katulad ng maraming iba pang karaniwang X-ray para sa mga tao, at higit na nababawasan ng pagdidiin ng suso. Ipinakikita ng pananaliksik na ang mga benepisyo ng pag-screen para sa kanser sa suso ay mas malaki kaysa sa mga panganib mula sa radiation.

Paano pagpapasyahan ang aking mga resulta?

Pagkatapos ng breast screen, ang iyong mga larawan ay babasahin ng hindi bababa sa 2 independiyenteng radiologist. Depende sa kanilang mga natuklasan, bibigyan ka ng isang resulta: alinman sa 'walang ebidensya ng kanser sa suso' o 'pababalikin para sa karagdagang mga pagsusuri'.

Ang iyong mga resulta ay karaniwang ipapadala sa koreo sa iyo at sa iyong hinirang na doktor sa loob ng 14 na araw makaraan ang iyong appointment. Dahil ang pagsusuring ito ay naghahanap lamang ng kanser sa suso, ang anumang hindi-kanser (benign) na mga pagbabago ay hindi isasama sa ulat.

Paano kung kailangan ko ng karagdagang mga pagsusuri?

Humigit-kumulang sa 5% ng mga babaing na-screen ang hihilingan na bumalik sa BreastScreen SA para sa karagdagang mga pagsusuri. Hindi ito nangangahulugan na mayroon kang kanser sa suso, ngunit kung minsan ay kailangan ng karagdagang mga pagsusuri upang makatiyak. Nangyayari ito nang mas madalas sa mga babaing sumailalim sa kanilang unang breast screen, dahil walang mga naunang larawan ng mammogram na maihahambing. Ang isang bagay na maaaring tila kakaiba sa iyong unang mammogram ay maaaring ganap na normal.

Inaanyayahan ang mga kababaihan na bumalik sa aming nakatuong Assessment Clinic sa Adelaide, kung saan sasailalim sila ng mas detalyadong pagsusuri, kabilang ang mammography, ultrasound, at sa ilang mga kaso, isang biopsy. Maaaring nakababalisang karanasan ito kaya’t titiyakin ng aming dalubhasang pangkat ng mga propesyonal sa kalusugan na hangga't maaari ikaw ay komportable sa iyong pagbisita.

Karamihan sa mga kababaihan na may karagdagang pagsusuri ay nabigyan ng katiyakan na wala silang kanser sa suso. Pagkatapos ay muli silang iimbitahan para sa kanilang susunod na pagpapa-breast screen kapag ito ay nakatakda na.

Paano kung ako ay may kanser sa suso?

Maliit na bilang ng mga kababaihan (mas mababa sa 1% ng lahat ng kababaihan sa South Australia na na-screen) ay makakatanggap ng diyagnosis ng kanser sa suso pagkatapos ng kanilang appointment sa Assessment Clinic. Gagabayan ka ng aming espesyalistang pangkat ng mga propesyonal sa kalusugan sa prosesong ito at ipapaliwanag kung ano ang susunod na mangyayari.

Bagama't hindi ginagamot ng BreastScreen SA ang kanser sa suso ng mga kababaihan, tutulungan ka naming asikasuhin ang iyong mga pangangailangan sa pangangalaga sa hinaharap sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iyong doktor. Tatalakayin ng iyong doktor ang mga pagsangguni sa iyo sa espesyalista, paggamot at mga pagpipilian mo.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kanser sa suso, bisitahin ang webiste ng Cancer Australia.

Ano ang mga salik ng panganib (risk factors) para sa kanser sa suso?

Mayroong ilang mga salik na maaaring magpataas ng iyong panganib na magkaroon ng kanser sa suso. Kabilang dito ang mga personal na kadahilanan tulad ng pagiging babae, ang iyong edad, kung mayroon kang nakaraang diyagnosis ng kanser sa suso, ang iyong densidad ng suso (breast density) at ang iyong family history. Ang iba ay mga salik ng estilo ng pamumuhay tulad ng iyong diyeta, dalas ng iyonn pag-eehersisyo, kung ikaw ay naninigarilyo o regular na umiinom ng alak. Kung gusto mong tasahin ang iyong panganib, maaari kang makipag-usap sa iyong doktor o gamitin ang online na palatanungan sa: www.breastcancerrisk.canceraustralia.gov.au.

Ano ang densidad ng suso (breast density)?

Ang suso ng babae ay binubuo ng fatty tissue at non-fatty tissue. Sa isang mammogram, lumilitaw na itim ang fatty tissue habang ang natitirang tisyu ng suso ay lilitaw na puti o 'dense'. Ang relatibong dami ng non-fatty (mga puting bahagi) sa mammogram ay tinatawag na breast density.

Dahil ang mga kanser sa suso ay lumilitaw din bilang mga puting bahagi sa mammogram, ang mataas na breast density ay maaaring magtago ng ilang mga kanser, na nakakasagabal sa katumpakan ng mga mammogram.

Sa kabila nito, ang screening mammography pa rin ang pinakamahusay na pag-screen ng kanser sa suso batay sa populasyon para sa mga babaing may edad na 50 hanggang 74, kabilang ang mga babaing may mga dense na suso.

Ang mga dense na suso ay karaniwan at normal na nangyayari sa halos sangkatlo ng mga kababaihan na mahigit sa 50 taong gulang.

I-click dito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa densidad ng suso (breast density).

Lahat ng kababaihan na magpapa-screen sa BreastScreen SA ay tatanggap ng kanilang indibidwal na kategorya ng breast density sa kanilang liham na nagsasaad ng mga resulta.

Ano ang mga benepisyo ng regular na pagpapa-breast screen?

Pagtuklas ng kanser sa suso sa maagang yugto

Noong 2008, napag-alaman ng lokal na pananaliksik na ang mga babaing South Australian na may edad na 50 hanggang 69, na nagpapa-breast screen kada 2 taon, ay nababawasan ang kanilang tsansang mamatay mula sa kanser sa suso nang hanggang 41%.*

Hindi gaanong mapanghimasok na paggamot (less invasive treatment)

Para sa bawat 1000 kababaihan na nagpapa-breast screen, 6 na babae lamang ang matutuklasang may kanser sa suso.

Ang mga kanser sa suso na natukoy sa pamamagitan ng BreastScreen SA ay karaniwang mas maliit, na ginagawang mas madaling gamutin ang mga ito. Ang pangkalahatang kinalabasan sa kalusugan ng isang babae ay bumuti rin.

Katiyakan

Karamihan sa mga kababaihan na nagpa-breast screen ay makakakuha ng resulta na 'walang ebidensya ng kanser sa suso' at makadarama ng katiyakan na sila ay proactive sa pagpapanatili ng kalusugan ng kanilang suso.

Ano ang mga limitasyon at panganib ng pagpapa-breast screen?

Habang ang mga screening mammogram ay kasalukuyang pinakaepektibong paraan sa pag-screen ng kanser sa suso, may mga limitasyon na kailangan mong malaman.

Ang kanser sa suso ay naroroon ngunit hindi nahanap

Hindi matutukoy ng screening mammogram ang lahat ng kanser sa suso. Ang ilang mga kanser ay hindi nakikita sa screening mammogram o maaaring nabuo sa pagitan ng mga pagpapa-mammogram. May maliit na tsansa na hindi makita ng screening mammogram ang kanser. Ito ay maaaring humantong sa pagka-diyagnos ng kanser sa suso sa mas huling yugto nito.

Mas mababa sa 1 sa 1000 kababaihan na may edad na 50 hanggang 74 ang makikitaang may kanser sa suso sa loob ng 12 buwan kasunod ng kanilang breast screen.

Kabilang sa iba pang mga kadahilanan na nag-aambag sa pagiging epektibo ng mga screening mammogram ang edad ng isang babae at ang densidad ng kanyang suso (breast density).

Ang kanser sa suso ay natuklasan at ginagamot nang hindi naman kinakailangan (overdiagnosis)

Maaari ring makita sa breast screening ang mga kanser sa suso na maaaring hindi magiging banta sa buhay. Nangangahulugan ito na maaaring piliin ng isang babae na ipagamot ang kanser na maaaring hindi naman makapinsala sa kanya, bagkus ang paggamot pa mismo ang maaaring magdulot ng pinsala sa kanya.

Hindi pa posibleng sabihin nang eksakto kung aling mga kanser sa suso ang maaaring maging banta sa buhay at alin ang hindi.

Ang mga karagdagang pagsusuri ay ginagawa, ngunit ang kanser sa suso ay hindi natagpuan

Kung may makikita sa iyong screening mammogram na isang bahagi na nakapag-aalala o may pagbabago sa tisyu ng iyong suso, ikaw ay pababalikin sa BreastScreen SA's Assessment Clinic para sa mga karagdagang pagsusuri.

Kasama sa mga pagsusuring ito ang karagdagang mammography, ultrasound at posibleng isang klinikal na pagsusuri sa suso o biopsy. Bagama't maaaring ito ay nakababalisa para sa mga kababaihan, karamihan ay mabibigyang katiyakan na wala silang kanser sa suso.

Bakit mahalaga ang kamalayan tungkol sa suso?

Kahit na nagpapa-breast screen ka kada 2-taon, mahalaga pa rin na magkaroon ng kamalayan sa suso dahil ang kanser sa suso ay maaaring mabuo anumang oras. Kabilang dito ang panahon sa pagitan ng mga appointment para sa pagpapa-screen.

Mahalagang malaman ang normal na hitsura at pakiramdam ng iyong mga suso. Ang mga bagay na dapat mong hanapin ay kinabibilangan ng:

  • bagong bukol o pamumukol sa iyong mga suso, lalo na kung ito ay nasa isang suso lamang
  • pagbabago sa laki at hugis ng iyong suso
  • pagbabago sa utong gaya ng panunuklap (crusating), pagsusugat (ulcer), pamumula o pagtaob ng utong
  • pagtagas mula sa iyong utong nang hindi pinipiga ang utong
  • pagbabago sa balat ng iyong suso tulad ng pamumula o paglubog (dimpling) o pangungunot ng balat
  • sakit na hindi nawawala.

Karamihan sa mga pagbabago sa suso ay hindi dahil sa kanser sa suso ngunit dapat mong ipasuri ang mga ito upang makatiyak. Kung napansin mo ang pagbabago sa hitsura o pakiramdam ng iyong mga suso, kahit na normal ang iyong screening mammogram, magpatingin kaagad sa iyong doktor.

Mga praktikal na tip upang gawing mas komportable ang iyong pagbisita

  • Mangyaring huwag maglagay ng pulbos o deodorant sa araw ng iyong appointment dahil maaaring makaapekto ito sa pag-screen ng iyong suso.
  • Magsuot ng 2 pirasong kasuotan (2-piece outfit) dahil kailangan mong tanggalin ang iyong bra at pang-itaas habang nagpapa-breast screen.
  • Huwag kalimutang dalhin ang iyong Medicare Card sa iyong appointment, gayundin ang iyong nakumpleto at nilagdaang form ng pahintulot (consent form).
  • Dumating 10 minuto bago ang oras ng iyong appointment para maproseso namin ang iyong mga papeles.
  • Kung nagpa-mammogram ka sa ibang lugar, ipaalam sa aming kawani.
  • Kung mayroon kang anumang mga tanong, mangyaring itanong sa aming magiliw na kawani.

Mag-book ng iyong appointment sa online ngayon

Mag-book ngayon

O kaya naman, maaari kang tumawag sa BreastScreen SA sa 13 20 50 upang gumawa ng appointment. Pakitandaan na kailangan naming magtanong sa iyo ng ilang personal na katanungan tungkol sa kalusugan sa oras ng iyong pag-book, kaya pakitiyak na mayroon kang oras at pribasya upang sagutin ang mga ito sa iyong pagtawag.

Hindi kailangan ng referral ng doktor. May makukuhang mga libreng serbisyo ng interpreter at wheelchair access.

Mga lokasyon ng klinika ng BreastScreen SA